This article was originally published on the online version of Bandera, Bandera.Inquirer.net <http://bandera.inquirer.net/120925/bobotante-mga-nag-iisip-na-botante-ay….
‘Bobotante,’ mga nag-iisip na botante, ayon sa pag-aaral ng Ateneo
from INQUIRER.net / BANDERA
Bobotante ba ang mga mahihirap na botante? Hindi naman naniniwala ang isinagawang pag-aaral hinggil dito.
Sumentro ang pag-aaral na isinagawa ng Institute of Philippine Culture ng Ateneo de Manila University sa mga botanteng mahihirap, partikular sa isyu ng vote buying at pagbebenta ng boto. Sinabi ni ADMU political science faculty member Lisandro E. Claudio, PhD na taliwas sa paniniwala na agad na tumatanggap ng pera ang mga mahihirap kapalit ng kanilang boto, pinag-iisipang mabuti ng mga ito ang pagbebenta ng boto. “The poor vote is a thinking vote and you see it everywhere—you see it on how they consider candidates, you see it in vote processes such as vote buying. While we can easily say that is evil, the poor think about it in different ways; there might even be a sense of justice in the way they sell their votes,” sabi ni Claudio.
Ipinalabas ang resulta ng pag-aaral dalawang linggo bago ang nakatakdang eleksiyon sa Mayo.
“It’s not a simple immoral act that they don’t think about. It is a well thought-out process. The process of selling one’s vote is a reasoned and logical process,” dagdag ni Claudio.
Nagsimula ang pag-aaral noong Enero, kung saan apat na komunidad ang sakop ng pag-aaral at 30 ang mga tinanong.
Nirerepresenta ng mga komunidad ang mga mahihirap sa Quezon City, Camarines Sur, Tacloban City, at Zamboanga City. Tinatayang 83.3 porsiyento ang nagsabi na maituturing pa ring vote buying ang sinasabing tulong sa mga mahihirap. Naniniwala naman ang mga mahihirap sa Camarines Sur na paraan ng pagtulong ang pamimigay ng pera sa mahihirap sa kanayunan. Sinabi naman ng mga botante mula sa Tacloban City at Camarines Sur na hindi maituturing na pagbebenta ng boto ang pagtanggap ng pera. Taliwas naman ito sa resulta ng pag-aaral sa Zamboanga, na nagsasabing pagbebenta ng boto ang pagtanggap ng pera mula sa mga politiko.
Sinabi naman ni Ateneo development studies program faculty member Jayeel Cornelio, PhD na itinuturing naman ng ilang botante na regalo ang perang tinatanggap na magagamit para sa pang-araw-araw na pangangailangan. “People receive it as a blessing. If it comes from more than one source, then so be it,” ayon kay Cornelio. “People are willing to receive from many sources but in the end, they want to exercise their agency or free will,” dagdag ni Cornelio.